Sabado, Agosto 27, 2011

Be heard.

Mayroon tayong boses, hindi ito binigay sa atin para lamang mangutya tayo ng kapwa o para magsalita tayo ng mga bagay na yuyurak o makakadumi sa pagtao ng ating kapwa. Makapangyarihan ang bawat salitang iyong binibitawan. Permanente at malalim ang sugat na maaring idulot nito. Kaya maging wais at maingat sa pagbibitiw ng mga salita tungkol sa iyong kapwa. Iwasan nating magsalita o magbigay ng pahayag na base sa ating emosyon o base lamang sa mga salitang naririnig natin mula sa iba.


Mainam na gamitin mo ang kapangyarihan ng salita sa pagbibigay boses sa iyong mga opinyon at saloobin ngunit siguraduhin na isinasaalang-alang pa din natin ang respeto. Maaaring hindi maging maganda ang magiging opinyon natin tungkol sa isang tao o bagay pero siguraduhin natin na inilahad mo ito sa paraang hindi ka mapagkakamalan na walang pinag-aralan. Linawin mo na opinyon mo lamang ang iyong binitawan at ang opinyon mo ay hindi naman nagbibigay kahulugan na ito ang tama.


Gamitin mo din ang kapangyarihan ng salita upang magbigay inspirasyon sa iyong kapwa. Madaming tao sa paliid natin ang may kanya-kanyang pinagdadaanan sa kasalukuyan. Mainam na mabigyan mo sila ng pag-asa, payo o yung tinatawag na "words of wisdom" upang gumaan ang kanilang pakiramdam at malinawan ang nahihirapan at naguguluhan nilang kaisipan. 


Ang salita, ay maaring bumago sa pananaw ng ng isang tao. Lalo na kung naipahayag mo ito sa paraang nagdulot sa kanila na maramdaman at maunawaan ang bagay na nais mong ipabatid dito. Dahil sa mga letra,salita at lipon ng salita, binago Rizal ang takbo ng lipunan. Nakamit ng bayan ang pagbabago at kalayaan. Sana, tulad niya gamitin mo din ito sa maganda at kapakipakinabang na paraan. Maaring isa ka lamang sa milyon-milyong kabataan, pero kung sisimulan mong manindigan malayo ang mararating mo, malawak ang maapektuhan mo. MAAARI MONG SIMULAN ANG INAASAM NA PAGBABAGO.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento